< Isaias 46 >

1 Si Bel ay nagpapatirapa, sa Nebo ay yumuyukod; ang kanilang mga diosdiosan ay pasan sa ibabaw ng mga hayop, at sa ibabaw ng mga baka: ang mga bagay na inyong daladalang inilibot ay mabigat na pasan sa pagod na hayop. 2 Sila'y yumuyukod, sila'y nangagpapatirapang magkakasama; hindi nila maiwasan ang pasan, kundi sila ma'y napapasok sa pagkabihag. 3 Inyong dinggin ako, Oh sangbahayan ni Jacob, at lahat na nalabi sa sangbahayan ni Israel, na kinalong ko mula sa tiyan, na dala mula sa bahay-bata: 4 At hanggang sa katandaan ay ako nga, at hanggang sa magka uban ay dadalhin kita; aking ginawa, at aking dadalhin; oo, aking dadalhin, at aking ililigtas. 5 Kanino ninyo ako itutulad, at ipaparis, at iwawangis ako, upang kami ay magkagaya? 6 Sila'y dumudukot ng maraming ginto sa supot, at tumitimbang ng pilak sa timbangan, sila'y nagsisiupa ng panday-ginto, at kaniyang ginagawang dios; sila'y nangagpapatirapa, oo, sila'y nagsisisamba. 7 Pinapasan nila siya sa balikat, dinadala nila siya, at inilalagay siya sa kaniyang dako, at siya'y nakatayo; mula sa kaniyang dako ay hindi siya makikilos: oo, may dadaing sa kaniya, gayon ma'y hindi siya makasasagot, o makapagliligtas man sa kaniya sa kaniyang kabagabagan. 8 Inyong alalahanin ito, at mangagpakalalake kayo: isaisip ninyo uli, Oh ninyong mga mananalangsang. 9 Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin; ako'y Dios, at walang gaya ko; 10 Na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, Ang payo ko ay mananayo, at gagawin ko ang aking buong kaligayahan: 11 Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin. 12 Inyong dinggin ako, ninyong may mapagmatigas na loob; na malayo sa katuwiran: 13 Aking inilalapit ang aking katuwiran, hindi maglalaon at ang aking pagliligtas ay hindi magluluwat: at aking ilalagay ang kaligtasan sa Sion na ukol sa Israel na aking kaluwalhatian.

< Isaias 46 >