< Mga Awit 97 >

1 Naghahari si Yahweh; hayaang magalak ang daigdig; hayaang matuwa ang maraming kapuluan. 2 Pumapalibot sa kanya ang mga ulap at kadiliman. Katuwiran at katarungan ang saligan ng kanyang trono. 3 Ang apoy ang nasa kanyang unahan at tumutupok sa kanyang mga kaaway sa lahat ng dako. 4 Ang kanyang kidlat ang lumiliwanag sa mundo; nakikita ng daigdig at nayayanig. 5 Ang mga bundok ay natutunaw gaya ng kandila sa harapan ni Yahweh, ang Panginoon ng buong daigdig. 6 Ipinapahayag ng kalangitan ang kanyang katarungan, at nakikita ng lahat ng mga bansa ang kanyang kaluwalhatian. 7 Ang lahat ng sumasamba sa mga inukit na bagay ay mapapahiya, ang mga nagyayabang sa mga walang katuturang mga diyos-diyosan— yumukod kayo sa kanya, kayong lahat na mga diyos! 8 Narinig ng Sion at natuwa, at ang mga bayan ng Juda ay nagalak dahil sa iyong matuwid na mga kautusan, Yahweh. 9 Dahil ikaw, Yahweh, ay kataas-taasan sa buong daigdig. Ikaw ay dinadakila higit sa lahat ng mga diyos. 10 Kayong mga nagmamahal kay Yahweh, kamuhian ninyo ang masama! Ipinagtatanggol niya ang buhay ng kanyang mga banal at inililigtas niya (sila) sa kamay ng mga masasama. 11 Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid at katuwaan para sa mga may matapat na puso. 12 Magalak kay Yahweh, kayong matutuwid; at magbigay ng pasasalamat sa kanyang banal na pangalan.

< Mga Awit 97 >