< Mga Awit 95 >

1 O halika, tayo ay umawit kay Yahweh; tayo ay umawit ng may kagalakan para sa bato ng ating kaligtasan. 2 Tayo ay pumasok sa kaniyang presensya ng may pasasalamat; tayo ay umawit sa kaniya ng may salmong papuri. 3 Dahil si Yahweh ay dakilang Diyos at dakilang Hari na nananaig sa lahat ng diyos. 4 Sa kaniyang kamay ay ang kalaliman ng kalupaan; ang katayugan ng bundok ay sa kaniya. 5 Ang dagat ay kaniya, dahil nilikha niya ito, at hinulma ng kaniyang mga kamay ang tuyong lupa. 6 O halika, tayo ay magpuri at yumukod; tayo ay lumuhod sa harapan ni Yahweh, ang ating tagapaglikha: 7 Dahil siya ang ating Diyos, at tayo ang mga tao sa kaniyang pastulan at ang mga tupa ng kaniyang kamay. Ngayon, marinig niyo nawa ang kaniyang tinig! 8 “Huwag niyong patigasin ang inyong puso, tulad sa Meribah, o sa araw ng Masah sa ilang, 9 nang sinubukan ng inyong ninuno na hamunin ang aking kapangyarihan at sinubukan ang aking pasensya, kahit na nakita nila ang aking mga gawa. 10 Sa apatnapung taon ako ay galit sa salinlahi na iyon at sinabi, 'Ito ang mga tao na ang mga puso ay lumihis ng landas; hindi nila alam ang aking mga pamamaraan.' 11 Kaya nga nangako ako sa aking poot na hindi na (sila) kailanman makakapasok sa aking lugar ng kapahingahan.”

< Mga Awit 95 >