< Mga Awit 91 >

1 Siya na nananahan sa kanlungan ng Kataas-taasan ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan sa lahat. 2 Aking sasabihin kay Yahweh, “Siya ang aking kanlungan at aking tanggulan, aking Diyos, na aking pinagkakatiwalaan.” 3 Dahil sasagipin ka niya mula sa patibong ng mangangaso at mula sa nakamamatay na salot. 4 Tatakpan ka niya ng kaniyang mga pakpak, at sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay makakatagpo ka ng kanlungan. Ang kanyang pagiging mapagkakatiwalaan ay isang kalasag at proteksyon. 5 Hindi ka matatakot sa kilabot ng gabi, o sa palaso na lumilipad sa araw, 6 o ang salot na gumagala sa kadiliman, o ang sakit na nanggagaling sa katanghalian. 7 Libo ang maaaring mabuwal sa iyong tabi, at sampung libo sa iyong kanang kamay, pero hindi ito makakaabot sa iyo. 8 Mamamasdan mo lamang at makikita ang mga kaparusahan ng masasama. 9 Dahil si Yahweh ang aking kanlungan! Gawin mo ring kanlungan ang Kataas-taasan. 10 Walang kasamaang makakaabot sa iyo; walang paghihirap ang makakalapit sa iyong tahanan. 11 Dahil uutusan niya ang kaniyang mga anghel na protektahan ka, para ingatan ka sa lahat ng iyong mga kaparaanan. 12 Itataas ka nila gamit ang kanilang mga kamay para hindi ka madulas at mahulog sa bato. 13 Dudurugin mo ang mga leon at ulupong sa iyong mga paa; iyong yuyurakan ang mga batang leon at mga ahas. 14 Dahil matapat siya sa akin, ililigtas ko siya. Poproktetahan ko siya dahil matapat siya sa akin. 15 Kapag tumatawag siya sa akin, ako ay tutugon sa kaniya. Makakasama niya ako sa kaguluhan; bibigyan ko siya ng katagumpayan at pararangalan siya. 16 Bibigyan ko siya ng kasiyahan sa mahabang buhay at ipapakita ko sa kaniya ang aking kaligtasan.

< Mga Awit 91 >