< Mga Awit 88 >

1 Yahweh, Diyos ng aking kaligtasan, araw at gabi akong umiiyak sa iyo. 2 Pakinggan mo ang aking panalangin; pansinin mo ang aking pag-iyak. 3 Dahil puno ako ng mga kaguluhan, at umabot na ang buhay ko sa Sheol. (Sheol h7585) 4 Tinuturing ako ng mga tao na gaya ng mga bumababa sa hukay; ako ay isang taong walang lakas. 5 Iniwan ako sa gitna ng mga patay; katulad ako ng mga patay na nakahimlay sa libingan, na wala ka nang pakialam dahil naalis na (sila) mula sa iyong kapangyarihan. 6 Inilagak mo ako sa pinakamalalim na bahagi ng hukay, sa madilim at malalim na mga lugar. 7 Nakadagan sa akin ang bigat ng iyong poot, at lahat ng iyong mga alon ay humahampas sa akin. (Selah) 8 Dahil sa iyo, iniiwasan ako ng mga kasama ko. Ginawa mo akong katakot-takot na tanawin sa kanila. Nakagapos ako at hindi ako makatakas. 9 Namamaga ang mga mata ko dahil sa pighati; Buong araw akong tumatawag sa iyo, Yahweh; inuunat ko ang aking mga kamay sa iyo. 10 Gagawa ka ba ng mga himala para sa patay? Babangon ba ulit silang mga namatay para papurihan ka? (Selah) 11 Maihahayag ba sa libingan ang iyong katapatan sa tipan, ang iyong pagiging tapat sa lugar ng mga patay? 12 Malalaman ba ang kamangha-mangha mong mga ginawa sa kadiliman, o ang iyong katuwiran sa lugar ng pagkamakalimutin? 13 Pero dumadaing ako sa iyo, Yahweh; sa umaga ay idinudulog ko sa iyong harapan ang aking mga panalangin. 14 Yahweh, bakit mo ako tinatanggihan? Bakit mo tinatago ang iyong mukha mula sa akin? 15 Matagal na akong naghihirap at nasa bingit na ng kamatayan simula pa nang aking kabataan. Nagdusa na ako sa labis mong galit; wala na akong magagawa. 16 Dinaanan na ako ng iyong galit, at pinuksa ako ng katakot-takot mong mga gawain. 17 Buong araw nila akong pinaligiran katulad ng tubig; pinalibutan nila ako. 18 Tinanggal mo ang bawat kaibigan at kasama mula sa akin. Ang tanging kasama ko lang ay ang kadiliman.

< Mga Awit 88 >