< Mga Awit 77 >

1 Tatawag ako sa Diyos gamit ang aking tinig; tatawag ako sa Diyos gamit ang aking tinig, at diringgin ako ng aking Diyos. 2 Sa mga araw ng aking mga kaguluhan, hinanap ko ang Panginoon; sa gabi, inunat ko ang aking mga kamay, at hindi nito nagawang mapagod. Tumanggi akong mapanatag. 3 Inisip ko ang Diyos habang naghihinagpis ako; inisip ko siya habang nanghihina ako. (Selah) 4 Binuksan mo ang aking mga mata; labis akong nabahala para magsalita. 5 Iniisip ko ang nakaraan, tungkol sa mga panahong matagal nang nakalipas. 6 Sa kahabaan ng gabi inaalala ko ang awit na minsan kong inawit. Nag-isip akong mabuti at sinubukang unawain ang nangyari. 7 Tatanggihan ba ako ng Panginoon habang buhay? Hindi na ba niya muli ipakikita ang kaniyang tulong? 8 Ang kaniya bang katapatan sa tipan ay wala na habang buhay? 9 Habangbuhay na bang bigo ang kaniyang pangako? Nakalimutan na ba ng Diyos na maging mapagbigay-loob? Napigil na ba ng galit ang kaniyang habag? (Selah) 10 Sabi ko, “Ito ang aking hinagpis: ang pagbabago ng kanang kamay ng Makapangyarihang Diyos sa atin.” 11 Pero, aalalahanin ko ang mga ginawa mo Yahweh; Iisipin ko ang mga kahanga-hangang mga ginawa mo noon. 12 Pagninilay-nilayan ko ang lahat ng mga ginawa mo at pagmumuni-munihin ko ang mga iyon. 13 Ang paraan ninyo O Diyos ay banal; anong diyos-diyosan ang maihahambing sa aming dakilang Diyos? 14 Ikaw ang Diyos na gumagawa ng mga kababalaghan; ipinakita mo ang iyong lakas sa mga tao. 15 Binigyan mo ng tagumpay ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan - ang mga kaapu-apuhan ni Jacob at Jose. (Selah) 16 Nakita ka ng katubigan O Diyos; nakita ka ng katubigan, at natakot (sila) ang kailaliman ng tubig ay nanginig. 17 Nagbuhos ng tubig ang mga ulap; ang kalangitan ay kumulog; kumikislap ang iyong mga palaso sa buong paligid. 18 Ang madagundong mong boses ay narinig sa hangin; inilawan ng kidlat ang mundo; nanginig at nayanig ito. 19 Papunta sa dagat ang iyong landas at ang iyong daan ay patungo sa umaalong tubig, pero ang mga bakas ng iyong mga paa ay hindi nakita. 20 Inakay mo ang iyong bayan tulad ng isang kawan sa pamamagitan ng mga kamay ni Moises at Aaron.

< Mga Awit 77 >