< Mga Awit 73 >

1 Sadyang mabuti ang Diyos sa Israel sa mga may dalisay na puso. 2 Pero para sa akin, halos dumulas ang aking mga paa; halos dumulas ang aking mga paa sa aking paghakbang 3 dahil nainggit ako sa arogante nang makita ko ang kasaganaan ng masasama. 4 Dahil wala silang sakit hanggang sa kanilang kamatayan, kundi (sila) ay malakas at nakakakain nang mabuti. 5 Malaya (sila) mula sa mga pasanin tulad ng ibang mga tao; hindi (sila) nahihirapan katulad ng ibang mga tao. 6 Ang pagmamalaki ay nagpapaganda sa kanila na tulad ng kwintas na nakapalibot sa kanilang leeg; dinadamitan (sila) ng karahasan tulad ng balabal. 7 Mula sa ganoong pagkabulag nagmumula ang kasalanan; ang masamang mga kaisipan ay tumatagos sa kanilang mga puso. 8 Nangungutya silang nagsasabi ng mga masasamang bagay; nagmamalaki silang nagbabanta ng karahasan. 9 Nagsasalita (sila) laban sa kalangitan, at ang kanilang mga dila ay gumagala sa daigdig. 10 Kaya, ang bayan ng Diyos ay nakikinig sa kanila at ninanamnam ang kanilang mga salita. 11 Sinasabi nila, “Paano nalalaman ng Diyos? Alam ba ng Diyos kung ano ang nangyayari?” 12 Pansinin ninyo: ang mga taong ito ay masama; wala silang inaalala, lalo pa silang nagiging mayaman. 13 Sadyang walang kabuluhan na bantayan ko ang aking puso at hugasan ang aking mga kamay sa kawalang-kasalanan. 14 Dahil buong araw akong pinahirapan at dinisiplina bawat umaga. 15 Kung aking sinabi, “Sasabihin ko ang mga bagay na ito,” parang pinagtaksilan ko ang salinlahi ng inyong mga anak. 16 Kahit na sinubukan kong unawain ang mga bagay na ito, napakahirap nito para sa akin. 17 Pagkatapos pumasok ako sa santuwaryo ng Diyos at naunawaan ang kanilang kapalaran. 18 Sadyang inilalagay mo (sila) sa madudulas na mga lugar; dinadala mo (sila) sa pagkawasak. 19 Paano (sila) naging disyerto sa isang iglap! Sumapit (sila) sa kanilang wakas at natapos sa kahindik-hindik na takot. 20 Katulad (sila) ng panaginip matapos magising; Panginoon, kapag ikaw ay tumindig, wala kang iisiping ganoong mga panaginip. 21 Dahil nagdalamhati ang aking puso, at ako ay labis na nasugatan. 22 Ako ay mangmang at kulang sa pananaw; ako ay katulad ng walang alam na hayop sa harapan mo. 23 Gayumpaman, ako ay palaging kasama mo; hawak mo ang aking kanang kamay. 24 Gagabayan mo ako ng iyong payo at pagkatapos tanggapin mo ako sa kaluwalhatian. 25 Sino ang hahanapin ko sa langit bukod sa iyo? Walang sinuman na nasa daigdig ang aking ninanais kundi ikaw. 26 Humina man ang aking katawan at ang aking puso, pero ang Diyos ang lakas ng aking puso magpakailanman. 27 Ang mga malayo sa iyo ay mamamatay; wawasakin mo ang lahat ng mga taksil sa iyo. 28 Pero para sa akin, ang kailangan ko lang gawin ay lumapit sa Diyos. Ginawa kong kublihan si Yahweh na aking Panginoon. Ipahahayag ko ang lahat ng iyong mga gawa.

< Mga Awit 73 >