< Mga Awit 66 >

1 Mag-ingay sa galak para sa Diyos, lahat ng nilalang; 2 Awitin ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan; gawing maluwalhati ang kaniyang kapurihan. 3 Sabihin mo sa Diyos, “Nakakikilabot ang iyong mga gawa! Sa pamamagitan ng kadakilaan ng iyong kapangyarihan, magpapasakop sa iyo ang iyong mga kaaway. 4 Sasamba at aawit sa iyo ang lahat ng nasa lupa; aawit (sila) sa iyong pangalan.” (Selah) 5 Halika at tingnan ang mga gawa ng Diyos; kinatatakutan siya sa kaniyang mga ginagawa sa mga anak ng mga tao. 6 Ginawa niyang tuyong lupa ang dagat; tumawid (sila) sa ilog nang naglalakad; nagalak kami sa kaniya roon. 7 Namumuno siya magpakailanman sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan; pinagmamasdan ng kaniyang mga mata ang mga bansa; huwag hayaang itaas ng mga suwail ang kanilang mga sarili. (Selah) 8 Purihin ang Diyos, kayong mga tao, hayaang marinig ang tinig ng kaniyang kapurihan. 9 Iniingatan niya tayo sa mga nabubuhay, at hindi pinapahintulutang madulas ang ating mga paa. 10 Dahil ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin; sinubok mo kami gaya ng pilak. 11 Dinala mo kami sa isang lambat; nilagyan mo kami ng matinding pabigat sa aming mga balakang. 12 Pinasakay mo ang mga tao sa aming mga ulo; dumaan kami sa apoy at tubig; pero inilabas mo kami sa malawak na lugar. 13 Pupunta ako sa iyong tahanan na may mga sinunog na handog; tutuparin ko ang aking mga panata 14 na ipinangako ng aking labi at sinabi ng aking bibig nang ako ay nasa kahirapan. 15 Magsusunog ako ng taba ng mga hayop bilang handog na may mabangong samyo ng mga tupa; mag-aalay ako ng mga toro at kambing. (Selah) 16 Halika at makinig, lahat kayo na may takot sa Diyos, at ipahahayag ko kung ano ang ginawa niya para sa aking kaluluwa. 17 Nananawagan ako sa kaniya gamit ang aking bibig, at pinuri siya ng aking dila. 18 Kung alam kong may kasalanan sa aking puso, hindi makikinig ang Diyos sa akin. 19 Pero tunay ngang nakinig ang Diyos; binigyan niya ng pansin ang tinig ng aking panalangin. 20 Purihin ang Diyos, na hindi itinakwil ang aking panalangin o kaniyang katapatan sa tipan mula sa akin.

< Mga Awit 66 >