< Mga Awit 60 >

1 O Diyos, itinakwil mo kami; nilupig mo kami; ikaw ay nagalit; ibalik mo aming muli sa aming kalagayan. 2 Pinayayanig mo ang lupain; pinaghiwa-hiwalay mo ito; pagalingin mo ang pagkakasira nito, dahil ito ay nayayanig. 3 Ipinakita mo sa iyong bayan ang mga matitinding bagay; pinainom mo sa amin ang alak na nagpapasuray. 4 Nagbigay ka ng isang bandera sa mga nagpaparangal sa iyo para maipakita ito dahil sa katotohanan. (Selah) 5 Para silang mga minamahal mo ay masagip, sagipin mo kami ng iyong kanang kamay at sagutin ako. 6 Ang Diyos ay nagsalita sa kaniyang kabanalan, “Ako ay nagagalak; hahatiin ko ang Shekem at ipamamahagi ang lambak ng Sucot. 7 Sa akin ang Galaad, at sa akin ang Manases; sanggalang ko sa ulo ang Efraim; setro ko ang Juda. 8 Ang Moab ay aking hilamusan; sa ibabaw ng Edom ihahagis ko ang aking sapatos; sisigaw ako sa tagumpay dahil sa Filistia. 9 Sino ang magdadala sa akin sa malakas na lungsod? Sino ang maghahatid sa akin sa Edom?” 10 Pero ikaw, O Diyos, hindi mo ba kami itinakwil? Hindi mo sinamahan sa laban ang aming hukbo. 11 Tulungan mo kami laban sa kaaway, dahil ang tulong ng tao ay walang silbi. 12 Magtatagumpay kami sa pamamagitan ng tulong ng Diyos; yuyurakan niya ang aming mga kaaway.

< Mga Awit 60 >