< Mga Awit 6 >

1 Yahweh, huwag mo akong sawayin sa iyong galit o ituwid sa iyong poot. 2 Maawa ka sa akin, Yahweh, dahil mahina ako; pagalingin mo ako, Yahweh, dahil nanginginig ang aking mga buto. 3 Labis ding nababagabag ang aking kaluluwa. Pero ikaw, Yahweh—hanggang kailan ito magpapatuloy? 4 Bumalik ka, Yahweh! Sagipin mo ako. Iligtas mo ako dahil sa iyong katapatan sa tipan! 5 Dahil walang ala-ala tungkol sa iyo sa kamatayan. Sino ang magbibigay ng pasasalamat sa iyo sa sheol? (Sheol h7585) 6 Pagod na ako sa aking paghihinagpis. Buong gabi kong binabasa ng luha ang aking higaan; hinuhugasan ko ng luha ang aking upuan. 7 Lumalabo ang aking mga mata dahil sa kalungkutan; nanghihina ang mga ito dahil sa aking mga kaaway. 8 Lumayo kayo sa akin, kayo na gumagawa ng kasalanan; dahil narinig ni Yahweh ang ingay ng aking pagtangis. 9 Narinig ni Yahweh ang aking pagmamakaawa; tinanggap ni Yahweh ang aking panalangin. 10 Lahat ng mga kaaway ko ay mapapahiya at labis na mababalisa. Aatras (sila) at agad silang hahamakin.

< Mga Awit 6 >