< Mga Awit 45 >

1 Nag-uumapaw ang aking puso sa mabuting paksa; babasahin ko nang malakas ang mga salita na aking isinulat tungkol sa hari; ang aking dila ang panulat ng isang manunulat na handa. 2 Ikaw ay mas makisig kaysa mga anak ng tao; biyaya ay binuhos sa iyong mga labi; kaya alam namin na pinagpala ka ng Diyos magpakailanman. 3 Ilagay mo ang iyong espada sa iyong hita, ikaw na makapangyarihan, sa iyong kaluwalhatian at kamaharlikahan. 4 Sa iyong kamaharlikahan matagumpay kang sumakay dahil sa pagiging mapagkakatiwalaan, kapakumbabaan at katuwiran; ituturo ng iyong kanang kamay ang mga katakot-takot na mga bagay. 5 Ang iyong mga palaso ay matalim; ang mga tao ay babagsak sa iyong ilalim; ang iyong mga palaso ay nasa puso ng mga kalaban ng hari. 6 Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailanpaman; ang setro ng katarungan ay setro ng iyong kaharian. 7 Minamahal mo ang matuwid at kinasusuklaman ang kasamaan; kaya O Diyos, ang iyong Diyos, ay hinirang ka sa pamamagitan ng langis ng kasayahan na higit sa iyong mga kasamahan. 8 Ang lahat ng iyong kasuotan ay amoy mira, mga sabila at kasia; mula sa mga palasyong gawa sa garing pinasasaya kayo ng mga instrumentong may kwerdas. 9 Ang mga anak na babae ng mga hari ay kabilang sa mga kagalang-galang na kababaihan; sa iyong kanang kamay nakatayo ang reyna na nadaramtan ng ginto ng Ophir. 10 Makinig ka, anak na babae, isaalang-alang mo at ikiling ang iyong pandinig; kalimutan mo ang iyong sariling bayan at ang tahanan ng iyong ama. 11 Sa ganitong paraan nanaisin ng hari ang iyong kagandahan; siya ang iyong panginoon; igalang mo siya. 12 Ang anak na babae ng Tiro ay pupunta na may dalang isang handog; ang mga mayayaman kasama ng mga tao ay magmamakaawa ng iyong tulong. 13 Ang maharlika na anak na babae sa palasyo ay lahat maluwalhati; ang kaniyang kasuotan ay ginto ang palamuti. 14 Dadalhin siya sa hari na may binurdahang damit, ang mga birhen, ang mga kasama niyang sumusunod sa kanya ay dadalhin sa iyo. 15 Pangungunahan (sila) ng kagalakan at pagsasaya; at sa palasyo ng hari papasok (sila) 16 Sa lugar ng iyong mga ama naroon ang iyong mga anak, na siyang gagawin mong mga prinsipe sa buong mundo. 17 Gagawin ko ang lahat para ang iyong pangalan ay maalala ng lahat ng salinlahi; kaya ang mga tao ay bibigyan ka ng pasasalamat magpakailanpaman.

< Mga Awit 45 >