< Mga Awit 4 >

1 Tumugon ka kapag ako ay nananawagan, Diyos ng aking katuwiran; bigyan mo ako ng silid kapag ako ay napapalibutan. Kaawaan mo ako at makinig ka sa aking panalangin. 2 Kayong mga tao, gaano ninyo katagal papalitan ang aking karangalan ng kahihiyan? Gaano ninyo katagal mamahalin ang mga walang halaga at maghahangad ng mga kasinungalingan? (Selah) 3 Pero alamin ninyo na hinihiwalay ni Yahweh ang mga maka-Diyos para sa kaniyang sarili. Didinig si Yahweh kapag tumatawag ako sa kaniya. 4 Manginig kayo sa takot, pero huwag kayong magkasala! Magnilay-nilay sa inyong puso sa inyong higaan at manahimik. (Selah) 5 Ihandog ang mga alay ng katuwiran at ilagay ang inyong tiwala kay Yahweh. 6 Maraming nagsasabi, “Sino ang magpapakita ng anumang kabutihan sa atin?” Yahweh, itaas mo ang liwanag ng iyong mukha sa amin. 7 Binigyan mo ang aking puso ng higit na kagalakan kaysa sa iba tuwing sumasagana ang kanilang mga butil at bagong alak. 8 Sa kapayapaan, ako ay hihiga at matutulog, dahil tanging ikaw, Yahweh, ang nagliligtas at nagpapatiwasay sa akin.

< Mga Awit 4 >