< Mga Awit 29 >

1 Kilalanin na si Yahweh— kayo na mga anak ng makapangyarihan— kilalanin na si Yahweh ay may kaluwalhatian at kapangyarihan! 2 Ibigay kay Yahweh ang karangalan na nararapat sa kaniyang pangalan; sambahin si Yahweh sa pananamit na naaangkop para sa kaniyang kabanalan. 3 Ang tinig ni Yahweh ay naririnig sa ibabaw ng mga katubigan; dumadagundong ang Diyos ng kaluwalhatian, dumadagundong si Yahweh sa ibabaw ng katubigan. 4 Ang tinig ni Yahweh ay makapangyarihan; ang tinig ni Yahweh ay kamangha-mangha. Ang tinig ni Yahweh ay nakawawasak ng mga sedar; 5 Ang tinig ni Yahweh ay napagpipira-piraso ang mga sedar ng Lebanon. 6 Pinalulukso niya ang Lebanon tulad ng isang guya at ang Sirion tulad ng isang batang baka. 7 Bumubuga ng lumalagablab na apoy ang tinig ni Yahweh. 8 Ang tinig ni Yahweh ang yumayanig sa ilang; si Yahweh ang yumayanig sa ilang ng Kades. 9 Ang tinig ni Yahweh ang nagdudulot na manganak ang babaeng usa; kinakalbo nito ang mga gubat; pero sa kaniyang templo ang lahat ay nagsasabing, “Kaluwalhatian!” 10 Si Yahweh ay umuupo bilang hari sa ibabaw ng baha; si Yahweh ay umuupo bilang hari magpakailanman. 11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kaniyang bayan; Pinagpapala ni Yahweh ng kapayapaan ang kaniyang bayan.

< Mga Awit 29 >