< Mga Awit 24 >

1 Ang buong lupain ay kay Yahweh, ang daigdig at ang lahat ng naninirahan dito. 2 Dahil itinatag niya ito sa mga karagatan at itinaguyod sa mga ilog. 3 Sino ang aakyat sa bundok ni Yahweh? Sino ang tatayo sa kaniyang banal na lugar? 4 Siya na may malinis na mga kamay at dalisay na puso; siyang hindi nagtatanghal ng mga kasinungalingan, at hindi nanunumpa para lang manlinlang. 5 Makatatanggap siya ng pagpapala mula kay Yahweh at katuwiran mula sa Diyos ng kaniyang kaligtasan. 6 Iyan ang salinlahi ng mga naghahanap sa kaniya, (sila) na humahanap sa mukha ng Diyos ni Jacob. (Selah) 7 Bumukas kayo, kayong mga tarangkahan, bumukas kayo, kayong walang-hanggang mga pintuan, para ang Hari ng kaluwalhatian ay makapasok! 8 Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Si Yahweh, ang malakas at makapangyarihan; si Yahweh, ang makapangyarihan sa digmaan. 9 Bumukas kayo, kayong mga tarangkahan, bumukas kayo, kayong walang-hanggang mga pintuan, para ang Hari ng kaluwalhatian ay makapasok! 10 Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Si Yahweh ng mga hukbo, siya ang Hari ng kaluwalhatian. (Selah)

< Mga Awit 24 >