< Mga Awit 140 >

1 Yahweh, sagipin mo ako mula sa masama; pangalagaan mo ako mula sa mararahas na mga tao. 2 Nagpaplano (sila) ng kasamaan sa kanilang mga puso; (sila) ang pasimuno ng hindi pagkakasundo araw-araw. 3 Ang kanilang dila ay nakakasugat tulad ng mga ahas, ang lason ng ulupong ay nasa kanilang mga labi. (Selah) 4 Ilayo mo ako sa mga kamay ng masasama, Yahweh; pangalagaan mo ako sa mararahas na mga tao na nagpaplano na patumbahin ako. 5 Ang mapagmalaki ay naghanda ng patibong para sa akin; nagkalat (sila) ng lambat; naghanda (sila) ng silo para sa akin. (Selah) 6 Sinabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos; makinig ka sa aking mga paghingi ng awa.” 7 Yahweh, aking Panginoon, ikaw ay malakas para magligtas; sa araw ng labanan nilagyan mo ng panangga ang aking ulo. 8 Yahweh, huwag mong ipagkaloob ang nais ng masasama; huwag mong hayaan ang kanilang mga plano na magtagumpay. (Selah) 9 Silang mga nakapalibot sa akin ay itiningala ang kanilang mga ulo; hayaan mo silang tabunan ng kalokohan ng kanilang labi. 10 Hayaan mong bumagsak ang nagbabagang mga uling sa kanila; itapon mo (sila) sa apoy, sa napakalalim na hukay, na hindi na kailanman makakabangon. 11 Nawa ang sinumang nagsasabi ng masasamang mga bagay tungkol sa iba ay hindi mailigtas sa mundo; nawa hanapin ng kasamaan ang mararahas para ibagsak siya. 12 Alam kong si Yahweh ang magpapanatili ng kapakanan ng mga nasaktan, at siyang magpapatuloy ng katarungan para sa mga nangangailangan. 13 Tiyak na ang mga makatuwiran ay magpapasalamat sa ngalan mo; ang matutuwid na mga tao ay mamumuhay sa iyong presensya.

< Mga Awit 140 >