< Mga Awit 139 >

1 Yahweh, sinayasat mo ako at kilala. 2 Alam mo kung kailan ako uupo at babangon; kahit malayo ka sa akin nauunawaan mo ang aking saloobin. 3 Minamasdan mo ang aking daan at kapag ako ay nahihiga; alam mo ang lahat sa aking pamumuhay. 4 Yahweh, wala akong sinasabi na hindi mo lubos na alam. 5 Sa likuran at harapan ay nandoon ang iyong mga kamay sa akin. 6 Ang ganoong kaalaman ay labis para sa akin; ito ay labis na mataas at hindi ko ito kayang maunawaan. 7 Saan ako maaaring pumunta para makatakas mula sa iyong Espiritu? Saan ako makakalayo mula sa iyong presensiya? 8 Kung aakyat ako sa kalangitan, naroon ka; kung gagawa ako ng higaan sa sheol, makikita na naroon ka. (Sheol h7585) 9 Kung lilipad ako palayo sa mga pakpak ng umaga at pupunta para mamuhay sa pinakamalayong mga bahagi sa kabila ng karagatan, 10 kahit doon ang iyong kamay ang aakay sa akin, at ang iyong kanang kamay ang hahawak sa akin. 11 Kung sasabihin ko, “Tiyak na itatago ako ng kadiliman at ang gabi ang aking magiging liwanag;” 12 hindi makakapagtago kahit ang kadiliman mula sa iyo. Lumiliwanag ang gabi tulad ng umaga, dahil ang kadiliman at liwanag ay magkatulad sa iyo. 13 Ikaw ang humulma sa aking pagkatao; ikaw ang humulma sa akin sa sinapupunan ng aking ina. 14 Magpapasalamat ako sa iyo, dahil ang iyong mga gawa ay kahanga-hanga at kamangha-mangha. Alam na alam mo ang aking buhay. 15 Ang aking katawan ay hindi naitago mula sa iyo noong ako ay lihim na binuo, noong ako ay magulong nilikha sa kailaliman ng mundo. 16 Nakita mo ako sa loob ng sinapupunan; ang lahat ng araw na nakatalaga para sa akin ay nakatala sa iyong libro kahit bago pa ito ang unang nangyari. 17 Napakahalaga ng iyong kaisipan sa akin, O Diyos! Napakalawak ng kanilang kabuuan. 18 Kung susubukan ko itong bilangin, (sila) ay higit pa sa bilang ng mga buhangin. Sa aking paggising, ako ay nasa iyo pa rin. 19 Kung iyo lamang papatayin ang masasama, O Diyos; lumayo sa akin, ikaw na marahas na tao. 20 (Sila) ay naghihimagsik laban sa iyo at kumikilos nang may pandaraya; ang iyong mga kaaway ay nagsisinungaling. 21 Hindi ko ba kapopootan ang mga napopoot sa iyo, Yahweh? Hindi ko ba kasusuklaman silang lumalaban sa iyo? 22 Lubos ko silang kinapopootan; (sila) ay naging mga kaaway ko. 23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at kilalanin mo ang aking puso; subukin mo ako at alamin ang aking saloobin. 24 Tingnan mo kung mayroong masamang paraan sa akin, at pangunahan mo ako sa daan ng walang hanggan.

< Mga Awit 139 >