< Mga Awit 137 >

1 Kami ay naupo sa tabi ng ilog ng Babilonia at umiyak nang aming naisip ang tungkol sa Sion. 2 Sa mga puno ng alamo namin isinabit ang aming mga alpa. 3 Doon ang aming mga manlulupig ay pinakanta kami, at silang mga nangutya sa amin ay inatasan kaming maging masaya, sinasabing, “Awitan niyo kami ng isa sa mga awit ng Sion.” 4 Paano kami makakakanta ng isang awitin tungkol kay Yahweh sa isang dayuhang lupain? 5 Jerusalem, kung aking babalewalain ang alaala mo, hayaan mo ang aking kanang kamay na makalimutan ang kaniyang kakayahan. 6 Hayaan mo ang aking dila na kumapit sa aking ngalangala kung hindi na kita muling iisipin pa, kung hindi ko gugustuhin na ang Jerusalem ang maging aking pinakadakilang kasiyahan. 7 Alalahanin mo, Yahweh, kung ano ang ginawa ng mga Edomita noong araw na bumagsak ang Jerusalem. Sinabi nila, “Wasakin ito, wasakin ito hanggang sa pundasyon nito.” 8 Anak na babae ng Babilonia, na malapit na ang pagkawasak— nawa ang tao ay pagpalain, kung sinuman ang magbalik ng kabayaran sa kung ano ang iyong ginawa sa amin. 9 Nawa ang taong iyon ay pagpalain, sinuman ang kumuha at nagpira-piraso ng inyong maliliit na anak sa bato.

< Mga Awit 137 >