< Mga Awit 119 >

1 Mapalad silang malinis ang mga kaparaanan, silang lumalakad ayon sa batas ni Yahweh. 2 Mapalad silang pinapanatili ang kaniyang banal na mga kautusan, silang buong pusong naghahanap sa kaniya. 3 Wala silang ginagawang kamalian; lumalakad (sila) sa kaniyang mga kaparaanan. 4 Inutusan mo kaming ingatan ang iyong mga tagubilin para masunod namin ito nang mabuti. 5 O, tatatag ako sa pagsunod sa iyong mga alituntunin! 6 Pagkatapos, hindi ako malalagay sa kahihiyan kapag iniisip ko ang lahat ng iyong mga kautusan. 7 Taos-puso akong magpapasalamat sa iyo kapag ang matuwid mong mga utos ay natutunan ko. 8 Susundin ko ang iyong mga alituntunin; huwag mo akong iwanang nag-iisa. BETH 9 Paano pananatilihing dalisay ng isang kabataan ang kaniyang landas? Sa pamamagitan ng pagsunod sa iyong salita. 10 Busong puso kitang hahanapin; huwag mo akong hayaang malihis mula sa iyong mga kautusan. 11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso para hindi ako magkasala laban sa iyo. 12 Purihin ka, O Yahweh; ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. 13 Ipinahayag ng aking bibig ang lahat nang matuwid na utos na ipinakita mo. 14 Nagagalak ako sa paglakad sa mga utos mo sa tipan higit pa sa lahat ng kayamanan. 15 Pagninilayan ko ang iyong mga tagubilin at bibigyang-pansin ang mga kaparaanan mo. 16 Nasisiyahan ako sa iyong mga alituntunin; salita mo ay hindi ko kalilimutan. GIMEL. 17 Maging mabuti ka sa iyong lingkod para mabuhay ako at mapanatili ang iyong salita. 18 Buksan mo ang aking mga mata para makita ko sa batas mo ang mga kahanga-hangang bagay. 19 Isa akong dayuhan sa lupain, huwag mong itago ang mga kautusan mo sa akin. 20 Dinudurog ang mga nasa ko ng pananabik na malaman ang matuwid mong mga utos sa lahat ng oras. 21 Itinutuwid mo ang mga mapagmataas, ang mga isinumpa at ang mga naligaw mula sa iyong mga kautusan. 22 Ilayo mo ako mula sa kahihiyan at panghahamak dahil sinunod ko ang mga utos mo sa tipan. 23 Kahit na pinagpaplanuhan ako ng masama at sinisiraan ng mga namumuno, pinag-iisipan nang mabuti ng lingkod mo ang iyong mga alituntunin. 24 Ang mga utos mo sa tipan ang kasiyahan ko, at ito ang aking mga tagapayo. DALETH 25 Nakakapit sa alabok ang buhay ko! Bigyan mo ako ng buhay sa pamamagitan ng salita mo. 26 Sinabi ko sa iyo ang aking mga kaparaanan at tinugon mo ako; ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. 27 Ipaunawa mo sa akin ang mga kaparaanan ng mga tagubilin mo, para mapag-isipan ko nang mabuti ang mga kamangha-manghang katuruan mo. 28 Tinabunan ako ng kalungkutan! Palakasin mo ako sa pamamagitan ng iyong salita. 29 Ilayo mo ako sa landas ng pandaraya; magiliw mong ituro sa akin ang iyong batas. 30 Pinili ko ang landas ng katapatan; lagi kong ginagawa ang matuwid mong mga utos. 31 Kumakapit ako sa mga utos mo sa tipan; huwag mo akong hayaang mapahiya, Yahweh. 32 Tatakbo ako sa landas ng mga kautusan mo dahil pinataba mo ang aking puso na gawin ito. HE. 33 Ituro mo, Yahweh, ang pamamaraan ng iyong mga alituntunin, at iingatan ko ang mga ito hanggang sa katapusan. 34 Bigyan mo ako ng pang-unawa at iingatan ko ang iyong utos; buong puso ko itong susundin. 35 Gabayan mo ako sa landas ng mga kautusan mo dahil nasisiyahan akong lumakad dito. 36 Akayin mo ang aking puso sa iyong tipan at ilayo mula sa mga bagay na hindi makatuwiran. 37 Ibaling mo ang aking mga mata mula sa pagtingin sa mga bagay na walang halaga; pasiglahin mo ako sa mga kaparaanan mo. 38 Tuparin mo alang-alang sa iyong lingkod ang mga pangakong ginawa mo para sa mga nagpaparangal sa iyo. 39 Alisin mo sa akin ang mga panlalait na kinatatakutan ko, dahil mabuti ang matuwid mong paghatol. 40 Tingnan mo, nananabik ako para sa iyong tagubilin; panatilihin mo akong buhay sa pamamagitan ng iyong matuwid na pagpapalaya. VAV. 41 Iparanas mo sa akin, Yahweh, ang pag-ibig mong hindi nagmamaliw— ang kaligtasan mo ayon sa iyong pangako; 42 para may itutugon ako sa mga nangungutya sa akin, dahil nagtitiwala ako sa iyong salita. 43 Huwag mong alisin sa aking bibig ang salita ng katotohanan, dahil naghintay ako para sa matuwid mong mga utos. 44 Patuloy kong susundin ang iyong batas magpakailanpaman. 45 Maglalakad ako nang ligtas, dahil hinahanap ko ang iyong mga tagubilin. 46 Magsasalita ako tungkol sa mga banal mong utos sa harap ng mga hari at hindi mahihiya. 47 Nasisiyahan ako sa iyong mga kautusan, na lubos kong minamahal. 48 Itataas ko ang aking mga kamay sa iyong mga kautusan, na aking minamahal. Pag-iisipan kong mabuti ang iyong mga alituntunin. ZAYIN. 49 Alalahanin mo ang mga ipinangako mo sa iyong lingkod dahil binigyan mo ako ng pag-asa. 50 Ito ang kaaliwan ko sa aking paghihirap: na pinapanatili akong buhay ng pangako mo. 51 Hinahamak ako ng mga mapagmalaki, pero hindi ako tumalikod sa iyong batas. 52 Inisip ko ang tungkol sa mga matuwid mong utos noong unang panahon, Yahweh, at inaaliw ko ang aking sarili. 53 Napuno ako ng matinding galit dahil sa mga masasama na hindi sumusunod sa iyong batas. 54 Ang mga alituntunin mo ang naging mga awit ko sa bahay na pansamantala kong tinitirhan. 55 Iniisip ko ang pangalan mo sa gabi, Yahweh, at iniingatan ang iyong batas. 56 Ito ang naging gawain ko dahil sinunod ko ang mga tagubilin mo. HETH. 57 Si Yahweh ang kabahagi ko; napagpasiyahan kong sundin ang kaniyang mga salita. 58 Buong puso kong hinihiling ang iyong kagandahang-loob; maging mahabagin ka sa akin gaya ng pinangako ng iyong salita. 59 Siniyasat ko ang aking mga pamumuhay at binaling ko ang aking mga paa sa iyong mga utos. 60 Nagmamamadali ako at hindi ipinagpaliban ang pagsunod sa iyong mga kautusan. 61 Nabitag ako ng lubid ng masasama; hindi ko kinalimutan ang iyong batas. 62 Bumabangon ako nang hatinggabi para magpasalamat sa iyo dahil sa matuwid mong mga utos. 63 Kasamahan ako ng lahat ng mga nagpaparangal sa iyo, ng lahat ng mga sumusunod sa mga tagubilin mo. 64 Ang mundo, Yahweh, ay puno ng katapatan mo sa tipan; ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. TETH 65 Gumawa ka ng kabutihan sa iyong lingkod, Yahweh, sa pamamagitan ng iyong salita. 66 Turuan mo ako ng tamang pagpapasya at pang-unawa, dahil naniniwala ako sa mga kautusan mo. 67 Bago ako nasaktan, naligaw ako, pero ngayon, sumusunod ako sa salita mo. 68 Mabuti ka at ikaw lang ang siyang gumagawa ng kabutihan; ituro mo sa akin ang iyong alituntunin. 69 Siniraan ako sa mga kasinungalingan ng mayayabang, pero buong puso kong pinapanatili ang mga tagubilin mo. 70 Tumigas ang kanilang mga puso, pero nasisiyahan ako sa batas mo. 71 Nakabubuti para sa akin na naghirap ako para matutunan ko ang mga alituntunin mo. 72 Mas mahalaga ang mga tagubilin mula sa iyong bibig kaysa sa libo-libong piraso ng ginto at pilak. YOD 73 Ang mga kamay mo ang gumawa at humubog sa akin; bigyan mo ako ng pang-unawa para matutunan ko ang mga kautusan mo. 74 Matutuwa ang mga nagpaparangal sa iyo kapag nakikita nila ako dahil nakatagpo ako ng pag-asa sa iyong salita. 75 Alam ko, Yahweh, na makatarungan ang mga utos mo, at sa katapatang ito, pinahirapan mo ako. 76 Hayaan mong aliwin ako ng katapatan mo sa tipan gaya ng ipinangako mo sa iyong lingkod. 77 Kahabagan mo ako para mabuhay ako, dahil ang batas mo ang kasiyahan ko. 78 Hayaan mong malagay sa kahihiyan ang mga mapagmalaki, dahil siniraan nila ako; pero magninilay ako sa mga tagubilin mo. 79 Nawa bumalik sa akin ang mga nagpaparangal sa iyo, silang mga nakakaalam ng mga utos mo sa tipan. 80 Maging malinis nawa ang aking puso na may paggalang sa mga alituntunin mo para hindi ako malagay sa kahihiyan. KAPH. 81 Nanghihina ako nang may pananabik na ako ay iyong sagipin! Umaasa ako sa iyong salita! 82 Nananabik ang aking mga mata na makita ang iyong pinangako; kailan mo kaya ako aaliwin? 83 Dahil naging tulad ako ng pinauusukang sisidlan ng alak; hindi ko kinakalimutan ang iyong mga alituntunin. 84 Gaano katagal ito pagtitiisan ng iyong lingkod; kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin? 85 Naghukay ng malalim ang mga mapagmalaki para sa akin, na nilalabag ang iyong batas. 86 Lahat ng mga kautusan mo ay maaasahan; inuusig ako ng mga tao nang may kamalian; tulungan mo ako. 87 Halos tapusin nila ang buhay ko sa mundo, pero hindi ko itinakwil ang mga tagubilin mo. 88 Panatilihin mo akong buhay gaya ng ipinangako ng katapatan mo sa tipan, para maingatan ko ang sinabi mo sa mga utos mo sa tipan. LAMEDH. 89 Mananatili ang salita mo, Yahweh, magpakailanman; matatag ang salita mo sa kalangitan. 90 Mananatili ang katapatan mo sa lahat ng salinlahi; itinatag mo ang mundo, at ito ay mananatili. 91 Nagpapatuloy hanggang ngayon ang lahat ng mga bagay, gaya ng sinabi mo sa matuwid mong mga utos, dahil mga lingkod mo ang lahat ng mga bagay. 92 Kung hindi ko naging kasiyahan ang iyong batas, namatay na sana ako sa aking paghihirap. 93 Hindi ko kailanman makakalimutan ang mga tagubilin mo, dahil sa pamamagitan nito, pinanatili mo akong buhay. 94 Ako ay sa iyo; iligtas mo ako, dahil hinahanap ko ang mga tagubilin mo. 95 Ang mga masasama ay naghahanda para ako ay sirain, pero uunawain ko ang mga utos mo sa tipan. 96 Nakita ko na may hangganan ang lahat ng bagay, pero malawak ang iyong mga kautusan at walang hangganan. MEM. 97 O iniibig ko ang iyong batas! Ito ang pinagninilayan ko buong araw. 98 Higit akong pinatatalino ng mga kautusan mo kaysa sa mga kaaway ko, dahil lagi kong kasama ang mga kautusan mo. 99 Mayroon akong higit na pang-unawa kaysa sa lahat ng aking mga guro, dahil pinagninilayan ko ang mga utos mo sa tipan. 100 Higit akong nakauunawa kaysa sa mga nakatatanda sa akin; dahil ito sa pagsunod ko sa iyong mga tagubilin. 101 Tumalikod ako mula sa landas ng kasamaan para masunod ko ang salita mo. 102 Hindi ako tumalikod mula sa matuwid mong mga utos dahil tinuruan mo ako. 103 Napakatamis sa aking panlasa ang iyong mga salita, oo, mas matamis kaysa sa pulot sa aking bibig! 104 Sa pamamagitan ng mga tagubilin mo, natamo ko ang tamang pagpapasiya; kaya nga kinapopootan ko ang bawat maling paraan. NUN. 105 Ang salita mo ay ilawan ng aking mga paa at liwanag para sa aking landas. 106 Nangako ako at pinagtibay ko ito, na susundin ko ang mga utos mo. 107 Labis akong nasasaktan; panatilihin mo akong buhay, Yahweh, gaya ng ipinangako mo sa iyong salita. 108 Pakiusap, tanggapin mo Yahweh ang kusang-loob na mga alay ng aking bibig, at ituro mo sa akin ang matuwid mong mga utos. 109 Nasa kamay ko palagi ang aking buhay, pero hindi ko kinalilimutan ang iyong batas. 110 Naglagay ng patibong para sa akin ang mga masasama, pero hindi ako naligaw mula sa mga tagubilin mo. 111 Inaangkin ko ang mga utos mo sa tipan bilang aking mana magpakailanman, dahil ito ang kagalakan ng aking puso. 112 Nakalaan ang aking puso sa pagsunod sa mga alituntunin mo magpakailanman hanggang sa wakas. SAMEKH. 113 Galit ako sa mga walang paninindigan, pero mahal ko ang iyong batas. 114 Ikaw ang aking kublihan at kalasag; naghihintay ako para sa iyong salita. 115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama, para masunod ko ang mga kautusan ng aking Diyos. 116 Palakasin mo ako sa pamamagitan ng iyong salita para mabuhay ako at hindi mapahiya sa aking inaasahan. 117 Tulungan mo ako at magiging ligtas ako; lagi kong pinagninilayan ang mga alituntunin mo. 118 Itinatakwil mo ang lahat ng mga nalilihis mula sa iyong mga alituntunin, dahil mapanlinlang at hindi maaasahan ang mga taong iyon. 119 Inaalis mo ang lahat ng masasama sa mundo katulad ng dumi; kaya nga, minamahal ko ang banal mong mga kautusan. 120 Nanginginig ang aking katawan sa takot sa iyo, at natatakot ako sa matuwid mong mga utos. AYIN. 121 Ginagawa ko kung ano ang makatarungan at matuwid; huwag mo akong iwanan sa mga nang-aapi sa akin. 122 Siguraduhin mo ang kapakanan ng iyong lingkod, huwag mong hayaang apihin ako ng mga mapagmalaki. 123 Napapagal ang aking mga mata sa paghihintay para sa iyong kaligtasan at sa matuwid mong salita. 124 Ipakita mo sa iyong lingkod ang katapatan mo sa tipan, at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. 125 Ako ay iyong lingkod; bigyan mo ako ng pang-unawa para malaman ko ang mga utos mo sa tipan. 126 Oras na para kumilos si Yahweh, dahil nilalabag ng mga tao ang iyong batas. 127 Tunay ngang minamahal ko ang iyong mga kautusan higit sa ginto, higit sa purong ginto. 128 Kaya nga, sumusunod ako nang mabuti sa lahat ng mga tagubilin mo, at napopoot ako sa bawat landas ng kamalian. PE. 129 Kahanga-hanga ang mga patakaran mo, kaya nga sinusunod ko ang mga ito. 130 Ang paglalahad ng mga salita mo ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ito ng pang-unawa sa mga hindi naturuan. 131 Binubuksan ko ang aking bibig at humihingal dahil nananabik ako para sa mga kautusan mo. 132 Humarap ka sa akin at mahabag, gaya ng lagi mong ginagawa para sa mga nagmamahal sa iyong pangalan. 133 Akayin mo ang aking mga yapak sa pamamagitan ng iyong salita; huwag mong hayaang pamunuan ako ng kahit anong kasalanan. 134 Tubusin mo ako mula sa pang-aapi ng mga tao para masunod ko ang mga tagubilin mo. 135 Hayaan mong magliwanag ang iyong mukha sa iyong lingkod, at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. 136 Napakaraming mga luha ang umaagos mula sa aking mga mata dahil hindi sinusunod ng mga tao ang iyong batas. TSADHE. 137 Matuwid ka, Yahweh, at makatarungan ang mga utos mo. 138 Matuwid at matapat mong ibinigay ang mga utos mo sa tipan. 139 Winasak ako ng galit dahil kinakalimutan ng mga kalaban ko ang mga salita mo. 140 Labis nang nasubok ang iyong salita, at iniibig ito ng iyong lingkod. 141 Ako ay walang halaga at inalipusta, pero hindi ko pa rin kinalilimutan ang mga tagubilin mo. 142 Ang katarungan mo ay matuwid magpakailanman, at ang batas mo ay mapagkakatiwalaan. 143 Kahit na natagpuan ako ng bagabag at paghihirap, ang kautusan mo pa rin ang aking kasiyahan. 144 Ang mga utos mo sa tipan ay matuwid magpakailanman; bigyan mo ako ng pang-unawa para ako ay mabuhay. QOPH. 145 Nanawagan ako ng buong puso, “Sagutin mo ako, Yahweh, iingatan ko ang mga alituntunin mo. 146 Tumatawag ako sa iyo; iligtas mo ako, at susundin ko ang mga utos mo sa tipan. 147 Bumabangon ako bago sumikat ang araw at humihingi ng tulong. Umaasa ako sa mga salita mo. 148 Mulat ang aking mga mata bago magpalit ng mga yugto ang gabi, para mapagnilayan ko ang mga salita mo. 149 Dinggin mo ang aking tinig sa katapatan mo sa tipan; panatilihin mo akong buhay, Yahweh, gaya ng ipinangako mo sa matuwid mong mga utos. 150 Papalapit nang papalapit sa akin ang mga umuusig sa akin, pero malayo (sila) sa iyong batas. 151 Ikaw ay malapit, Yahweh, at lahat ng mga kautusan mo ay mapagkakatiwalaan. 152 Natutunan ko noon mula sa mga utos mo sa tipan na itinakda mo ang mga ito magpakailanman. RESH 153 Tingnan mo ang aking mga paghihirap at tulungan mo ako, dahil hindi ko kinalilimutan ang batas mo. 154 Ipagtanggol mo ang aking kapakanan at tubusin ako; ingatan mo ako gaya ng ipinangako mo sa iyong salita. 155 Malayo ang kaligtasan mula sa masasama, dahil hindi nila minamahal ang iyong alituntunin. 156 Dakila ang iyong mahabaging mga gawa, Yahweh; panatilihin mo akong buhay gaya ng lagi mong ginagawa. 157 Marami ang aking mga taga-usig at kaaway, pero hindi pa rin ako tumalikod sa mga utos mo sa tipan. 158 Tinitingnan ko ng may pagkasuklam ang mga mandaraya dahil hindi nila sinusunod ang iyong salita. 159 Tingnan mo kung gaano ko minamahal ang mga tagubilin mo; panatilihin mo akong buhay, Yahweh, gaya ng ipinangako mo sa pamamagitan ng katapatan mo sa tipan. 160 Ang diwa ng iyong salita ay mapagkakatiwalaan; bawat isa sa mga utos mo ay mananatili magpakailanman. SHIN. 161 Inuusig ako ng mga prinsipe ng walang dahilan; nanginginig ang aking puso, takot na suwayin ang iyong salita. 162 Nagagalak ako sa iyong salita tulad ng nakahanap ng malaking gantimpala. 163 Kinapopootan ko at kinasusuklaman ang kasinungalingan, pero minamahal ko ang iyong batas. 164 Pitong beses sa isang araw kitang pinupuri dahil sa matuwid mong mga utos. 165 Malaking kapayapaan ang nakakamtan ng mga nagmamahal sa batas mo, walang makatitisod sa kanila. 166 Naghihintay ako para sa iyong kaligtasan, Yahweh, at sinusunod ko ang iyong mga kautusan. 167 Sinusunod ko ang mga banal mong kautusan at labis ko itong minamahal. 168 Iniingatan ko ang mga tagubilin mo at banal na kautusan, dahil alam mo ang lahat ng ginagawa ko. TAV. 169 Pakinggan mo ang aking iyak ng paghingi ng tulong, Yahweh; bigyan mo ako ng pang-unawa sa iyong salita. 170 Makarating nawa ang aking pagsamo sa harap mo; tulungan mo ako gaya ng ipinangako mo sa iyong salita. 171 Nawa ay magbuhos ng papuri ang aking mga labi, dahil itinuro mo sa akin ang alituntunin mo. 172 Hayaang mong umawit ang aking dila tungkol sa iyong salita, dahil matuwid lahat ng mga kautusan mo. 173 Nawa tulungan ako ng iyong kamay, dahil pinili ko ang mga tagubilin mo. 174 Nananabik ako para sa pagliligtas mo, Yahweh, at ang batas mo ang aking kasiyahan. 175 Nawa mabuhay ako at mapapurihan ka, at matulungan ako ng matuwid mong mga utos. 176 Naligaw ako tulad ng nawalang tupa; hanapin mo ang iyong lingkod, dahil hindi ko kinalimutan ang mga kautusan mo.

< Mga Awit 119 >