< Mga Awit 11 >

1 Kumukubli ako kay Yahweh; paano mo sasabihin sa aking, “Tumakas ka katulad ng isang ibon sa bundok”? 2 Tingnan mo! Inihahanda ng mga masasama ang kanilang mga pana. Inihahanda nila ang kanilang mga palaso sa tali para panain sa dilim ang pusong matuwid. 3 Dahil kung ang mga pundasyon ay nasira, ano ang kayang gawin ng matuwid? 4 Si Yahweh ay nasa kaniyang banal na templo; ang kaniyang mga mata ay nagmamasid, sinusuri ng kaniyang mga mata ang mga anak ng mga tao. 5 Parehong sinusuri ni Yahweh ang matuwid at masama, pero kinapopootan niya ang mga gumagawa ng karahasan. 6 Nagpapaulan siya ng mga nagbabagang uling at asupre sa mga masasama; nakakapasong hangin ang kanilang magiging bahagi sa kaniyang kopa! 7 Dahil si Yahweh ay matuwid, at mahal niya ang katuwiran; makikita ng matuwid ang kaniyang mukha.

< Mga Awit 11 >