< Mga Awit 1 >

1 Mapalad ang taong hindi lumalakad sa payo ng masama, o tumatayo sa daanan kasama ang mga makasalanan, o umuupo sa kapulungan ng mga nangungutya. 2 Pero ang kaniyang kagalakan ay nasa batas ni Yahweh, at sa kaniyang batas, nagbubulay-bulay siya araw at gabi. 3 Siya ay matutulad sa isang puno na nakatanim malapit sa mga batis ng tubig na namumunga sa panahon nito, na ang mga dahon ay hindi nalalanta; anuman ang kaniyang gawin ay sasagana. 4 Ang mga masasama ay hindi katulad nito, sa halip (sila) ay katulad ng ipa na tinatangay ng hangin. 5 Kaya ang masama ay hindi makatatayo sa paghahatol, maging ang mga makasalanan sa kapulungan ng matuwid. 6 Dahil sinasang-ayunan ni Yahweh ang daanan ng matuwid, pero ang daanan ng masama ay mapupuksa.

< Mga Awit 1 >