< Mga Kawikaan 26 >
1 Tulad ng niyebe sa tag-araw o ulan sa panahon ng tag-ani, ang isang hangal na hindi karapat-dapat sa karangalan.
2 Gaya ng isang maya na mabilis na nagpapalipat-lipat at ng layanglayang na humahagibis kapag sila ay lumilipad, gayundin hindi tatalab ang isang sumpa na hindi nararapat.
3 Ang latigo ay para sa kabayo, ang kabisada ay para sa asno, at ang pamalo ay para sa likod ng mga hangal.
4 Huwag sagutin ang isang hangal at sumali sa kanyang kahangalan, o magiging tulad ka niya.
5 Sumagot sa isang hangal at sumali sa kaniyang kahangalan upang hindi siya maging marunong sa kaniyang sariling paningin.
6 Sinumang magpadala ng isang mensahe sa pamamagitan ng kamay ng isang hangal ay pinuputol ang kaniyang sariling mga paa at umiinom nang karahasan.
7 Ang mga binti ng isang paralitiko na nakabitin ay tulad ng isang kawikaan sa bibig ng mga hangal.
8 Ang pagtatali ng bato sa isang tirador ay gaya ng pagbibigay karangalan sa isang hangal.
9 Ang halamang tinik na hawak ng isang lasing ay tulad ng isang kawikaan sa bibig ng mga hangal.
10 Ang isang mamamana na sumusugat ng lahat ay tulad ng isang umuupa ng isang hangal o ng kahit sinumang dumadaan.
11 Gaya ng isang asong bumabalik sa kanyang sariling suka, ganoon din ang isang hangal na inuulit ang kanyang kahangalan.
12 Nakikita mo ba ang taong marunong sa kanyang sariling paningin? Higit na may pag-asa ang isang hangal kaysa sa kanya.
13 Ang tamad na tao ay nagsasabing, “May isang leon sa kalsada! May isang leon sa pagitan ng mga lantad na lugar!
14 Kung paanong ang isang pinto ay bumabaling sa kaniyang bisagra, ang tamad na tao naman ay sa ibabaw ng kaniyang kama.
15 Nilalagay ng isang tamad na tao ang kaniyang kamay sa pagkain, pero wala siyang lakas na isubo ito sa kaniyang bibig.
16 Ang tamad na tao ay mas marunong sa kanyang paningin kaysa sa pitong lalaking may kakayahang kumilatis.
17 Tulad ng isang humahawak ng mga tainga ng isang aso ay isang taong dumadaan na nagagalit sa alitan na hindi kanya.
18 Tulad ng isang baliw na pumapana ng nagliliyab na mga palaso,
19 ay ang isang nandaraya ng kanyang kapwa at nagsasabing, “Di ba't nagbibiro lang ako?”
20 Dahil sa kakulangan ng gatong, namamatay ang apoy, at kung saan walang tsismoso, tumitigil ang pag-aaway.
21 Tulad ng isang uling na nagbabaga at panggatong ay sa apoy, ganoon din ang isang palaaway na tao na nagpapasiklab ng alitan.
22 Ang mga salita ng isang tsismoso ay tulad ng masarap na mga pagkain; bumababa sila sa kaloob-loobang mga bahagi ng katawan.
23 Ang pampakintab na bumabalot sa isang banga ay tulad ng nagbabagang mga labi at isang napakasamang puso.
24 Ang isang namumuhi sa iba ay kinukubli ang kanyang damdamin sa pamamagitan ng kaniyang mga labi at nag-iimbak ng panlilinlang sa kaniyang sarili.
25 Magiliw siyang mangungusap, pero huwag siyang paniwalaan, dahil may pitong mga pagkasuklam sa kaniyang puso.
26 Kahit na natatakpan ng panlilinlang ang kaniyang pagkamuhi, ang kaniyang kabuktutan ay malalantad sa kapulungan.
27 Sinumang gumagawa ng isang hukay ay mahuhulog dito at ang bato ay gugulong pabalik sa taong tumulak nito.
28 Ang isang nagsisinungaling na dila ay namumuhi sa mga taong dinudurog nito at ang nambobolang bibig ay nagiging dahilan ng pagkawasak.