< Levitico 13 >

1 Nakipag-usap si Yahweh kay Moises at kay Aaron, na nagsasabing, 2 “Kung sinuman ang may pamamaga o galis o maputing batik sa balat ng kanyang katawan, at naging nakakahawa at may isang sakit sa balat ang kanyang katawan, sa ganun kailangan siyang dalhin kay Aaron ang punong pari, o sa isa sa kaniyang mga anak na lalaking mga pari. 3 Pagkatapos ay susuriin ng pari ang sakit sa balat ng kanyang katawan. Kung ang buhok sa bahaging may sakit ay naging puti, at kung ang sakit ay makikitang malalim kaysa balat lang, sa ganun iyon ay isang nakakahawang sakit. Pagkatapos siyang suriin ng pari, kailangan niyang ipahayag na siya ay marumi. 4 Kung ang maliwanag na batik sa kanyang balat ay puti, at ang itsura nito ay hindi mas malalim kaysa balat, at kung ang buhok sa bahaging may sakit ay hindi maging puti, kung gayon kailangang ilayo ng pari ang may sakit sa loob ng pitong araw. 5 Sa ikapitong araw, kailangan siyang suriin ng pari upang makita kung sa palagay niya ay hindi malala ang sakit, at kung ito ay hindi kumalat sa balat. Kapag wala siya nito, kung gayon kailangan siyang ilayo ng pari ng karagdagang pitong araw. 6 Susuriin ulit siya ng pari sa ikapitong araw upang makita kung ang karamdaman ay mas bumuti at hindi kumalat ng mas malawak sa balat. Kapag wala siya nito, kung gayon sasabihin ng pari na siya ay malinis. Ito ay isang pantal. Kailangan niyang labhan ang kanyang mga damit, at pagkatapos siya ay malinis na. 7 Pero kung ang pantal ay kumalat sa balat pagkatapos niyang ipakita ang kanyang sarili sa pari para sa kanyang paglilinis, kailangan niya muling ipakita ang kanyang sarili sa pari. 8 Susuriin siya ng pari para makita kung ang pantal ay kumalat ng mas malawak sa balat. Kung kumalat ito, kung gayon ay dapat siyang ipahayag ng pari na marumi. Ito ay isang nakakahawang sakit. 9 Kapag ang nakakahawang sakit sa balat ay nasa sinuman, kung gayon ay kailangan siyang dalhin sa pari. 10 Susuriin siya ng pari upang makita kung may puting pamamaga sa balat, kung ang buhok ay naging puti, o kung may hilaw na laman sa pamamaga. 11 Kung naroon iyon, sa gayon ito ay isang malubhang sakit sa balat, at dapat ipahayag ng pari na siya ay marumi. Hindi na siya ihihiwalay, dahil siya ay marumi na. 12 Kung ang sakit ay malawak na ang pagkalat sa balat at natatakpan na ang buong balat ng taong may sakit mula sa kanyang ulo hanggang sa kanyang paa, hangga't nakikita iyon ng pari, 13 kung gayon kailangang suriin siya ng pari upang makita kung ang sakit ay bumalot sa buo niyang katawan. Kapag mayroon nito, kung gayon ay dapat ipahayag ng pari na ang taong may sakit ay malinis. Kung lahat ng ito ay naging puti, kung gayon ay malinis siya. 14 Ngunit kung hilaw na laman ang makita sa kanya, siya ay magiging marumi. 15 Dapat tingnan ng pari ang hilaw na laman at ipahayag siyang marumi dahil ang hilaw na laman ay marumi. Iyon ay isang nakakahawang sakit. 16 Ngunit kung ang hilaw na laman ay maging puti muli, kung gayon ay dapat pumunta ang tao sa pari. 17 Susuriin siya ng pari para makita kung ang laman ay naging puti. Kung nagkagayon ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay malinis. 18 Kung ang tao ay may pigsa sa balat at gumaling ito, 19 at sa bahagi ng pigsa ay mayroong puting pamamaga o isang malinaw na batik, namumulang-puti, kung gayon ay kailangan itong ipakita sa pari. 20 Susuriin ito ng pari upang makita kung ito ay mas malalim sa balat, at kung ang buhok doon ay naging puti. Kung gayon, dapat ipahayag ng pari na siya ay marumi. Ito ay isang nakakahawang sakit, kapag ito ay namuo sa bahagi kung nasaan ang pigsa. 21 Ngunit kung sinuri ng pari ito at makita na walang puting buhok dito, at iyon ay wala sa ilalim ng balat kundi kumupas na, sa ganun kailangang ihiwalay siya ng pari sa loob ng pitong araw. 22 Kapag kumalat iyon sa balat, kung gayon ay dapat siyang ipahayag ng pari na marumi. Ito ay isang nakakahawang sakit. 23 Ngunit kapag nanatili ang malinaw na batik sa bahagi nito at hindi kumalat, kung gayon ito ay peklat ng pigsa, at dapat siyang ipahayag ng pari na malinis. 24 Kapag ang balat ay may paso at ang hilaw na laman ng paso ay maging isang namumulang-puti o puting batik, 25 kung ganun susuriin ito ng pari para makita kung ang buhok sa batik na iyon ay naging puti, at kung ito ay nagpapakitang mas malalim kaysa sa balat. Kapag mayroon nito, sa ganun iyon ay nakakahawang sakit. Kumalat na ito palabas sa paso, at dapat ipahayag siya ng pari na marumi. Ito ay isang nakakahawang sakit. 26 Ngunit kung susuriin iyon ng pari at makitang walang puting buhok sa batik, at iyon ay wala sa ilalim ng balat ngunit kumupas, kung gayon ay dapat siyang ihiwalay ng pari sa loob ng pitong araw. 27 Pagkatapos ay dapat siyang suriin ng pari sa ikapitong araw. Kung iyon ay kumalat ng malawak sa balat, kung gayon ay dapat ipahayag ng pari na siya na siya ay marumi. Ito ay isang nakakahawang sakit. 28 Kung ang batik ay manatili sa bahaging iyon at hindi kumalat sa balat ngunit kumupas, kung gayon ito ay isang pamamaga mula sa paso, at dapat siyang ipahayag ng pari na malinis, dahil hindi ito mas higit sa peklat ng paso. 29 Kung ang isang lalaki o babae ay may nakakahawang sakit sa ulo o baba, 30 kung gayon kailangang suriin ng pari ang tao para sa isang nakakahawang sakit upang makita kung ito ay nagmimistulang mas malalim kaysa balat, at kung mayroong dilaw, manipis na buhok dito. Kung mayroon, kung gayon kailangan siyang ipahayag ng pari na marumi. Ito ay isang pangangati, isang nakakahawang sakit sa ulo o sa baba. 31 Kung ang pari ay susuriin ang pangangating sakit at makitang wala ito sa ilalim ng balat, at kung walang itim na buhok doon, kung gayon ang pari ay ihihiwalay ang taong may pangangating sakit sa loob ng pitong araw. 32 Susuriin ng pari ang sakit sa ikapitong araw upang makita kung kumalat ito. Kung walang dilaw na buhok, at kung ang sakit ay lumilitaw na hanggang balat lang ang lalim, 33 kung gayon kailangan siyang ahitan, ngunit ang may sakit na bahagi ay hindi dapat ahitan, at kailangang ihiwalay ng pari ang tao na may pangangating sakit sa loob ng karagdagang pitong araw. 34 Susuriin ng pari ang sakit sa ikapitong araw para makita kung ito ay huminto na sa pagkalat sa balat. Kung ito ay lumilitaw na hindi mas malalim kaysa balat, kung gayonn kailangan siyang ipahayag ng pari na malinis. Kailangang labhan ng tao ang kanyang mga damit, at sa gayon siya ay magiging malinis. 35 Ngunit kung ang pangangating sakit ay kumalat ng malawak sa balat pagkatapos na ang pari ay sabihin na siya ay malinis, 36 kung ganun kailangan siyang suriin ulit ng pari. Kung ang sakit ay kumalat sa balat, ang pari ay hindi na kailangang humanap ng dilaw na buhok. Ang tao ay marumi. 37 Ngunit kung sa tingin ng pari ang pangangating sakit ay huminto sa pagkalat at maitim na buhok ay tumubo sa bahagi, kung gayon ang sakit ay gumaling. Siya ay malinis, at kailangan siyang ipahayag ng pari na malinis. 38 Kung isang lalaki o isang babae ay mayroong puting mga batik sa balat, 39 kung gayon ay dapat suriin ng pari ang tao para makita kung ang mga batik ay kulay abo, na kung saan isa lamang itong pantal na kumalat mula sa balat. Siya ay malinis. 40 Kung ang buhok ng isang lalaki ay nalagas mula sa kanyang ulo, siya ay kalbo, ngunit siya ay malinis. 41 At kung ang kanyang buhok ay nalagas mula sa harapang bahagi ng kanyang ulo, at kung ang kanyang noo ay kalbo, siya ay malinis. 42 Ngunit kung mayroon isang namumulang-puting sugat sa kanyang kalbong ulo o noo, ito ay isang nakakahawang sakit na lumitaw. 43 Kung gayon ay dapat siyang suriin ng pari para makita kung ang pamamaga ng maysakit na bahagi sa kanyang kalbong ulo o noo ay namumulang-puti, kagaya ng itsura ng isang nakakahawang sakit sa balat. 44 Kapag mayroon nito, kung gayon ay mayroon siyang nakakahawang sakit at siya ay marumi. Dapat siguraduhin ng pari na ipahayag na marumi siya dahil sa kanyang sakit sa kanyang ulo. 45 Ang tao na mayroong nakakahawang sakit ay kailangang magsuot ng mga punit na damit, ang kanyang buhok ay kailangang nakalugay, at dapat niyang takpan ang kanyang mukha hanggang sa kanyang ilong at sumigaw, 'Marumi, marumi.' 46 Sa lahat ng araw na siya ay mayroong nakakahawang sakit siya ay magiging marumi. Dahil siya ay marumi na may isang sakit na maaaring makahawa, siya ay dapat mamuhay ng mag-isa. Dapat siyang mamuhay sa labas ng kampo. 47 Ang isang kasuotang narumihan ng amag, maging ito ay lana o linong kasuotan, 48 o anumang bagay na lana o sinulsing mula sa lana o lino, o balat o alinmang bagay na gawa sa balat— 49 kung may isang maberde o namumulang dumi sa kasuotan, ang balat, ang hinabi o sinulsing bagay, o anumang bagay na gawa sa balat, kung ganun ito ay isang amag na kumalat; dapat itong ipakita sa pari. 50 Dapat suriin ng pari ang bagay para sa amag; dapat niyang ihiwalay ang anuman na mayroong amag sa loob ng pitong araw. 51 Dapat niya muling suriin ang amag sa ikapitong araw. Kapag ito ay kumalat sa kasuotan o anumang hinabi o sinulsing gawa sa lana o linong bagay, o balat o alinmang bagay na kung saan balat ang ginagamit, kung gayon ito ay mapanganib na amag, at ang bagay ay marumi. 52 Dapat niyang sunugin ang kasuotan, o anumang bagay na hinabi o sinulsi mula sa lana o linong bagay, o balat o alinmang bagay na gawa sa balat, anuman na kung saan ang mapanganib na amag ay makita, dahil ito ay magdadala ng sakit. Ang bagay ay dapat lubusang sunugin. 53 Kung sinuri ng pari ang bagay at makita na ang amag ay hindi kumalat sa kasuotan o bagay na hinabi o sinulsi mula sa lana o lino, o balat na mga bagay, 54 kung gayon iuutos niya sa kanila na labahan ang bagay kung saan nakita ang amag, at dapat niya itong ihiwalay sa loob ng karagdagang pitong araw. 55 Pagkatapos ay susuriin ng pari ang bagay na inamag pagkatapos itong malabhan. Kung ang amag ay hindi nagbago ng kulay, kahit na hindi ito kumalat, ito ay marumi. Dapat mong sunugin ang bagay, maging saan ito nahawaan ng amag. 56 Kung sinuri ng pari ang bagay, at kung ang amag ay kumupas pagkatapos itong malabhan, kung gayon dapat niyang punitin ang nahawahang bahagi mula sa kasuotan o mula sa balat, o mula sa hinabi o sinulsing bagay. 57 Kapag ang amag ay makita parin sa kasuotan, sa hinabi man o sa sinulsing bagay, o sa kahit anong bagay na balat, kumakalat ito. Dapat mong sunugin ang anumang bagay na mayroong amag. 58 Ang kasuotan o anumang bagay na hinabi o sinulsing mula sa lana o linong bagay, o balat o anumang bagay na gawa sa balat—kung lalabhan mo ang bagay at ang amag ay mawala, kung gayon ang bagay ay kailangang malabhan sa ikalawang pagkakataon, at ito ay magiging malinis. 59 Ito ang batas tungkol sa amag sa isang kasuotan ng lana o lino, o anumang hinabi o sinulsing mula sa lana o linong bagay, o balat o anumang gawa sa balat, para maaari ninyong ipahayag na ito ay malinis o marumi.”

< Levitico 13 >