< 2 Mga Hari 12 >
1 Sa ikapitong taon ni Jehu, nagsimulang maghari si Joas; naghari siya sa loob ng apatnapung taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang ina ay si Sibia, na taga-Beerseba.
2 Ginawa ni Joas kung ano ang matuwid sa mga mata ni Yahweh sa lahat ng oras dahil tinuturuan siya ni Jehoiada ang pari.
3 Pero ang mga dambana ay hindi niya pinagiba. Ang mga tao ay patuloy pa ring naghahandog at nagsusunog ng insenso roon.
4 Sinabi ni Joas sa mga pari, “Lahat ng salapi para sa mga kagamitan na nabibilang kay Yahweh at ang mga dinala sa tahanan ni Yahweh, ang buwis na naitala, at lahat ng salapi na ibinigay para sa templo ng mga taong inudyukan ni Yahweh na magbigay—
5 ang mga salaping ito ay iipunin ng mga pari, bawat isa sa kanila mula sa nagbabayad ng buwis, at gagamitin nila ito para ayusin ang templo kapag may kailangang ayusin.
6 Pero sa dalawampu't tatlong taon na paghahari ni Haring Joas, wala pang kahit anong naipaaayos ang mga pari sa templo.
7 Kaya tinawag ni Haring Joas si Jehoiada at ang ibang mga pari; sinabi niya sa kanila, “Bakit wala pa kayong naipaaayos sa templo? Ngayon hindi na kayo ang kukuha ng salapi sa mga nagbabayad ng buwis, pero kunin ninyo ang mga nakolekta para sa pagpapaayos ng templo at ibigay ninyo ito sa mga makakapag-ayos.
8 Kaya sumang-ayon ang mga pari na hindi na sila tatanggap ng salapi mula sa mga tao at hindi na rin sila ang mag-aayos ng templo.
9 Sa halip, kumuha si Joiada ang pari ng isang baul, binutasan niya ang takip nito, at inilagay ito sa gilid ng altar, sa kanang bahagi kung saan dumaraan ang tao patungo sa tahanan ni Yahweh. Lahat ng mga paring nagbabantay sa pasukan sa templo ay inilagay dito ang lahat ng salapi na dinala sa tahanan ni Yahweh.
10 Kapag nakikita nila na marami ng laman ang baul, lalapit ang mga eskriba ng hari at punong pari at ilalagay sa mga lalagyan ang salapi at bibilangin ito, ang salaping nakuha nila sa templo ni Yahweh.
11 Ibinigay nila ang salaping tinimbang sa mga kamay ng mga kalalakihang nangalaga sa templo ni Yahweh. Ibinayad nila ito sa mga karpentero at mga manggagawa na nagtatrabaho sa templo ni Yahweh,
12 at sa mga mason at nagtatapyas ng bato para ipambili ng kahoy at batong tinapyas para ayusin ang templo ni Yahweh, at para sa lahat ng dapat bayaran para maayos ito.
13 Pero ang mga salaping dinala sa tahanan ni Yahweh ay hindi ginamit para sa paggawa ng mga kopang pilak, mga pantabas ng mitsa, mga mangkok, mga trumpeta o anumang kasangkapan na gawa sa ginto o pilak.
14 Binigay nila ang salapi para sa mga nag-aayos ng tahanan ni Yahweh.
15 Bilang karagdagan, hindi na nila hinihingan ng ulat tungkol sa salapi na pampaggawa ang mga taong nakatanggap at nagbayad nito sa mga manggagawa, dahil ang mga taong ito ay matatapat.
16 Pero ang mga handog para pambayad sa kasalanan at ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay hindi dinala sa templo ni Yahweh, dahil ang mga ito ay para sa mga pari.
17 Sa panahong iyon, nilusob at nilabanan ni Hazael hari ng Aram ang Gat, at sinakop ito. Pagkatapos tinangkang lusubin ni Hazael ang Jerusalem.
18 Kaya kinuha ni Joas hari ng Juda ang lahat ng kasangkapan na itinalaga nina Jehosafat at Joram at Ahazias, ang kaniyang mga ninuno, mga hari ng Juda, para kay Yahweh, ang kaniyang sariling mga banal na kasangkapan, at lahat ng ginto na makikita sa mga imbakan sa tahanan ni Yahweh at ng hari; ipinadala niya ang mga ito kay Hazael ang hari ng Aram. Pagkatapos umalis na si Hazael mula sa Jerusalem.
19 Ang iba pang bagay tungkol kay Joas, lahat ng kaniyang ginawa, hindi ba nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda?
20 Nag-alsa at sama-samang nagplano ang kaniyang mga lingkod; nilusob nila si Joas sa tahanan sa Millo, sa daan papunta ng Sila.
21 Si Josacar, anak ni Semiat, at Jehozabad anak ni Somer, na kaniyang lingkod, ay sinalakay siya at siya ay namatay. Inilibing nila si Joas kasama ng kaniyang mga ninuno sa lungsod ni David, at si Amasias, na kaniyang anak, ang naging hari kapalit niya.