< Jeremias 42 >
1 Nang magkagayo'y ang lahat na kapitan sa mga kawal, at si Johanan na anak ni Carea, at si Jezanias na anak ni Osaia, at ang buong bayan, mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan, ay nagsilapit,
2 At nangagsabi kay Jeremias na propeta, Isinasamo namin sa iyo, na tanggapin ang aming pamanhik sa harap mo, at idalangin mo kami sa Panginoon mong Dios, sa makatuwid baga'y ang lahat na nalabing ito (sapagka't kaming naiwan ay kaunti sa karamihan, gaya ng namamasdan ng iyong mga mata sa amin),
3 Upang ipakita sa amin ng Panginoon mong Dios ang daan na aming marapat na lakaran, at ang bagay na marapat naming gawin.
4 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias na propeta sa kanila, Aking narinig kayo; narito, aking idadalangin kayo sa Panginoon ninyong Dios ayon sa inyong mga salita; at mangyayari, na anomang bagay na isasagot ng Panginoon sa inyo; aking ipahahayag sa inyo; hindi ako maglilihim sa inyo.
5 Nang magkagayo'y sinabi nila kay Jeremias, Ang Panginoon ay maging tunay at tapat na saksi sa gitna natin, kung hindi nga namin gawin ang ayon sa buong salita na ipasusugo sa iyo ng Panginoon mong Dios sa amin.
6 Maging mabuti, o maging masama, aming tatalimahin ang tinig ng Panginoon nating Dios, na siya naming pinagsusuguan sa iyo; upang ikabuti namin, pagka aming tinatalima ang tinig ng Panginoon nating Dios.
7 At nangyari, pagkatapos ng sangpung araw, na ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias.
8 Nang magkagayo'y tinawag niya si Johanan na anak ni Carea, at ang lahat na kapitan sa mga kawal na kasama niya, at ang buong bayan, mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan,
9 At sinabi niya sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, na inyong pinagsuguan sa akin upang iharap ang inyong pamanhik sa harap niya:
10 Kung kayo'y magsisitahan pa sa lupaing ito, akin ngang itatayo kayo, at hindi ko kayo itutulak, at itatatag kayo, at hindi ko kayo paaalisin; sapagka't aking pinagsisihan ang kasamaang nagawa ko sa inyo.
11 Huwag kayong mangatakot sa hari sa Babilonia na inyong kinatatakutan; huwag kayong mangatakot sa kaniya, sabi ng Panginoon, sapagka't ako'y sumasainyo upang iligtas ko kayo, at alisin kayo sa kaniyang kamay.
12 At pagpapakitaan ko kayo ng kaawaan, upang kaawaan niya kayo, at upang pabalikin kayo sa inyong sariling lupain.
13 Nguni't kung inyong sabihin, Kami ay hindi magsisitahan sa lupaing ito; na anopa't hindi ninyo talimahin ang tinig ng Panginoon ninyong Dios,
14 Na nagsasabi, Hindi; kundi magsisiparoon kami sa lupain ng Egipto, na hindi namin kakikitaan ng digma, o kariringgan man ng tunog ng pakakak, o kagugutuman ng tinapay: at doon kami magsisitahan:
15 Inyo ngang pakinggan ang salita ng Panginoon, Oh nalabi sa Juda: ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel; Kung inyong lubos na ihaharap ang inyong mukha na pumasok sa Egipto, at magsiparoon upang mangibang bayan doon;
16 Mangyayari nga na ang tabak na inyong kinatatakutan, ay aabot sa inyo roon sa lupain ng Egipto, at ang kagutom na inyong kinatatakutan, ay susunod sa inyong mahigpit doon sa Egipto; at doon kayo mangamamatay.
17 Gayon ang mangyayari sa lahat ng tao na maghaharap ng kanilang mukha na magsiparoon sa Egipto, upang mangibang bayan doon; sila'y mangamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom at ng salot: at walang maiiwan sa kanila o makatatanan man sa kasamaan na aking dadalhin sa kanila.
18 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel: Kung paanong ang aking galit at ang aking kapusukan ay nabugso sa mga nananahan sa Jerusalem, gayon mabubugso ang aking kapusukan sa inyo, pagka kayo'y pumasok sa Egipto: at kayo'y magiging katungayawan, at katigilan, at kasumpaan, at kadustaan: at hindi na ninyo makikita ang dakong ito.
19 Ang Panginoon ay nagsalita tungkol sa inyo, Oh nalabi sa Juda, Huwag kayong pumasok sa Egipto: talastasin ninyong tunay na ako'y nagpapatotoo sa inyo sa araw na ito.
20 Sapagka't dinaya ninyo ang inyong sarili; sapagka't inyong sinugo ako sa Panginoon ninyong Dios, na inyong sinasabi, Idalangin mo kami sa Panginoon nating Dios: at ayon sa lahat na sasabihin ng Panginoon nating Dios ay gayon mo ipahayag sa amin, at aming gagawin.
21 At aking ipinahayag sa inyo sa araw na ito; nguni't hindi ninyo dininig ang tinig ng Panginoon ninyong Dios sa anomang bagay na kaniyang ipinasugo sa akin sa inyo.
22 Ngayon nga'y talastasin ninyong tunay na kayo'y mangapapatay ng tabak, ng kagutom, at ng salot, sa dakong inyong pagnasaang parunan na mangibang bayan.